Nakatunganga kami sa kanya, hindi sya magaling magpatawa…seryosong-seryoso sya sa kanyang dine-demonstrate…kaming tatlo namang anak na babae, ako…si lisa…at si len…ay seryosong-seryoso sa aming pagkukunwaring pakikinig…nakatingin kami sa kanya pero ang mga utak namin  ay ewan kung saan na napadpad…

 Ganito ang gagawin nyo hahawak nya ang malaking lubid na parang hose ng bombero ang kapal at ubod ng habaitatali ninyo ito sa haligi…ganito…sabay monstra sya…at ilalawit ang dulo ditosabay punta sya sa bintana na fire exit daw namin…dun na kami napahagalpak ng tawang magkakapatid…

Eh, pa…bakit walang hagdan kasi yang fire exit natin?…kapag tumalun kami  jan…sigurado, patay!..10 feet ata ang taas nyan at semento ang babagsakan….at patay na nga…malalapa pa kami ng mga aso ni misis jan sa likod….sabat ni lisa…hagalpak kami sa tawang tatlo…pero hindi ang tatay ko…

Eh kaya ko nga kayo tinuturuan kung paano ang gagawin kung magkasunog…itong lubid nga ang itatali nyo sa poste at ilalawit jan sa bintana ang dulo…tapos maglalambitin na kayo pababa…nakikinig ba kayo ha?…sumungit ang mukha nya…

Nilunok naming bigla ang mga tawa namin…at nagkunwari  ulit na seryosong nakikinig…nagpatuloy ang kanyang fire drill demonstration…

Isa siyang mandaragat, seaman…kaya sanay na kaming taunan lang syang makita…at sa kakaunting panahon na ipinagsasama namin…minemorize siguro ng utak ko…nang hindi malay…kung anong klase syang tao…

Tahimik…seryoso…minsan lang magpatawa kaya pinagbibigyan na namin…bugnutin…matulungin…ayokong sabihing isa sya sa mga taong nakilala kong umani ng sangrekwang kamalasan….pero parang ganun na nga din ata yun…

May ilang beses siyang umuwi at nagulat sa tahasang pagbabago ng script ng buhay nya…nababago iyon ng wala syang kamalay-malay….isang beses halimbawa’y umuwi siyang nakikipaghiwalay na ang nanay at wala na siyang magagawa kundi sumang-ayon….

Nagkahiwalay sila kaya kaming magkakapatid ay nahati na parang pizza… tatlong babae kaming napunta sa kampo ni papa…at talo din ang naiwan sa nanay…hating kapatid ika nga

Isang beses naman bago siya umuwi ay may ganitong usapan sa telepono…

Pa…nga pala yung anak mong isa…yung isa sa kambal…kase ano eh..medyo …hindi wala namang masamang nangyare…hindi naman nadisgrasya…hindi napilayan…wala naman sakit…kaso lang…kase…mahabang patlang at  buntong hininga…kase….si… lisa…buntis!…

hindi ko man sya nakikita sa kabilang dulo ng linya…ay parang naiimagine ko na ang itsura niya’y parang natuka ng sawa…namuti ang mata…namutla na parang binabad sa suka… hindi sya umimik…pero parang nadidinig ko ang pagtambol ng puso nya..bog…bog…bog…hanggang …ting!…flatline!

Pa?…anjan ka pa ba?…hello?..hello?…

ilang sandali…nahimasmaasan na sya….humihinga na ulit…at biglang  sumigaw….

Anooooooooooooooooooooooo??????

At kasunod na ay mahabang litanya ng sermon na kung susumahin ang tema ay ganto ang ibig sabihin…”…hindi yan totoo…rewind…rewind…mali  ang script…take two…hindi!…ayan na nga ba ang sinasabi ko…di ba’t binilin ko sa inyo na..blah…blah…blah….

Di  ako makasagot… wala naman kase akong masasabi kundi…“Amen”.

Pagkalipas ng ilang buwan…heto na naman ang takbo ng usapan sa telepono….

Pa…nga pala yung anak mong isa…yung isa…kase ano eh..medyo …hindi wala namang masamang nangyare…hindi naman nadisgrasya…hindi napilayan…wala naman sakit…kaso lang…kase…mahabang patlang at buntong hininga…kase….si…si  ako…buntis!…

 Bog…bog…bog…ting!…flatline uli sya…

Pa?…anjan ka pa ba?…hello?..hello?…

at ng huminga syang muli…

Anooooooooooooooooooooooooooo????

At ganun ulit ang mga sinabi nya katulad nung una…naimagine ko ulit ang itsura nya… kung nung una ay parang natuka lang sya…ngayon ay natuluyan na syang lunukin ng sawa….

Galit na galit siya…gusto na niya siguro kaming kalbuhin ni lisa…pero pag-uwi niya at makita ang dalawang paslit na walng malay sa kanilang dinatnang sitwasyon…si Diane ni lisa at si Justine ko…ay natunaw na ang himutok niya…paunti-unti…natuwa na din sya sa bago nyang role…ngayon ay isa na syang ganap na lolo…

Hindi niya inambisyong maging santo…pero bakit parang ganoon ang pinupuntahan ng kanyang papel sa buhay…kahit nagagalit siya ay nanatiling  mapagkalinga… napagtiisan niyang unawain…at yakapin ang lahat ng sama ng loob na ibinigay namin sa kanya…At waring hindi pa sapat ang parusang hatid namin… heto’t sinubok pa muli siya ng tadhana…

Isang araw sa buwan ng Marso….napaka-alinsangan ng panahon…. nakatiwang-wang pa ang mga boxes na dala niya…wala pa siyang isang linggong nakaka-uwi…hindi pa namin nabubulatlat ang mga pasalubong… ansarap ng pagkahandusay ko sa harap ng tv…aliw na aliw sa panonood ng eat bulaga…naiinis at panay ang ulit ng anunsyo tungkol sa “fire prevention month”

…tumayo muna ako para magtimpla ng juice…dinig na dinig ko pa ang ingay ng tv habang akoy nasa-kusina… si Justine na nuon ay isang taon at tatlong buwan pa lamang ay abala sa pagkuting-ting ng kanyang mga kalembang na dekolor sa stroller sa salas…sabi ng patalastas sa tv….

Ang buwan ng Marso ay “fire prevention month”…hinihikayat ang lahat na maging maingat…narito ang ilang tips upang maiwasan ang kadalasang pinag-uumpisahan ng sunog…

At bigla…merong sumigaw mula sa kung saan…..

“Sunogggggggggg!!!!!!!…..sunoggggg!!!!!…tawag kayo ng bumbero!!! ….sunogggggggggggggg!

Nabitiwan ko ang basong hawak…anu ba yun?….ayaw kong paniwalaan ang narinig….hindi totoo yun…sabi agad ng utak ko….me nagloloko lang…. dumungaw ako sa fire-exit….tumambad ang eksenang parang masamang panaginip ….

nakakurdon ang ilang kalalakihan sa bubong …pasa-pasa ang timba ng tubig…  binubuhusan ang apoy mula sa dingding ng kapitbahay…..parang singsing na bilog ang pagmarka ng liyab….tuldok lang sa umpisa…palaki  ng  palaki….sing bilog na ng hoolahoop…ilang iglap, para na itong malaking guwang sa kalsada….saglit pa, mistula ng bunganga ng  bulkan ….bulkan na nagngangalit… nagbabanta ng isang mapamuksang pagputok…

Nasusunog ang bahay sa likod…umiling-iling ako…tsk!…tsk!…teka…kinusot ko ang mata….baka naman…namamalik-mata lang ….baka me shooting lang…me pelikulang ginagawa…at ang mga lalaking nakikita ko ay mga stuntmen…pero asan ang camera?…asan?… asaaaannnnnnn?..nangangatog kong tanong…

Wala!..ah, eh….sunog na nga ito!…sunoggggggg???!!!!….. teka.. teka… teka… papaaaaa….lennnnn…Justine….masusunog tayoooooo…sigaw kong ubod ng lakas na parang ke tarzan…..

Pero kaya pa ito….dali-dali akong tumakbo…sumalok ng tubig sa ibaba…bat ba  kasi handun pa ang cr namin sa kabilang ibayo ng mundo….haaay… para akong Tasmanian devil sa cartoons sa bilis ng kilos… hala…salok ng salok…bitbit ang baldeng nagka-ligwak-ligwak ang tubig sa pagmamadali…pag saboy ko sa bintana na ubod naman din ang layo sa apoy….patak nalang ang natira sa tubig ….waaaaaaa!

naalarma na si papa…naturete na din si len… si Justine naman ay patuloy sa paglalaro…walang malay sa kaguluhan…akala nya siguro ay nagkakasiyahan lang kami…nagsasayaw….para nga naman kaming nagririgudon na tatlo sa aming nagkaka-sala-salabit na pag-ikot sa bahay…

Tawag  ng bumbero si len sa telepono…naka-uniform pa ng pamasok sa kolehiyo…helo?…bumbero ka ba?…me tubig…me tubig….kailangan namin ng sunog….uu…sunog nga!…natataranta…magpadala kayo dito ng swimming poolllll!…ayun,…ayun na ata ang dinig ko sa sinasabi nya….

 si papa naman ay umpisa nang umikot nang umikot na parang trumpo…di malaman anu ang uunahin…ikot sya ng ikot pero walang nadadala…ako naman ay parang di-susing unggoy na automatic ang pag-akyat-baba sa hagdan…bitbit ang timba…salok…buhos…hinahanap ko ang drum ng tubig at nang iyon na ang maibalibag ko sa apoy….pero wala…wala pala kaming drum…

hayan na…lumalaki na ang apoy….nararamdaman ko na ang pagkagat ng init sa balat ko…pero saboy parin ako ng saboy ng tubig…kung bat naman ang hangin ay lalong lumalakas at patungo sa aming direksyon…humahalik na sa dingding ng aming bahay ang lagablab ng liyab….heto na talaga…pag-amin ko sa sarili…totoo na talaga ito…madadale talaga kami ng bagyong apoy na ito…tiyak na tiyak na ang delubyo….ayannn naaaaaaaaaa…sunogggggggg….may sunoggggggg!….sabay hagis ng balding hawak ko…

huh?…isang sulyap lang ang naisagot ni len at papa sa aking pagkawindang na yon…parang sinabi nilang…anu?…now mo lang nalaman?…alam na namin yan kanina pa….sabay bwelta sila ulit ng pag-iikot nilang wala ding direksyon…..

Sa oras ng kagipitan ay anu pa nga ba ang magagawa….tinawag ko lahat ng santong kilala…sta claus…sta cruz…san miguel…sta lucia…saklolo…san pedro umabsent ka muna sa tupada…intindihin mo kami…911 sa langit….hello?…hello?…utang na loob…parang busy ang linya…ang hirap kumunekta…mahabaging langit umulan sana ng glacier…ibalibag mo sa nagliliyab na bahay sa likod…asan kahit si superman?….himala…langit magpakitang gilas ka…. now na….now na!…..himala….gusto ko ng  himalaaaaa!…natuluyan na ata ako….

pero wala…ok…ok fine!…nakup…hakutan na talaga ito, naisip ko….walang halong joke…walang kahalo-halong joke…heto na!…ang sumunod ay ang todo-arangkada….umaatikabong hakutan naming tatlo…hilong-talilong kami na parang contestant sa game show na me-title….”hala hataw sa paghakot … ang madampot mo, sa ‘yo na!”….

sinisikap kong wag mawala sa sarili….presence of mind….bulong ko pampalakas ng loob….pero walang epekto…sumisigaw ang utak ko… hindi…hindi…ayoko magpresent…gusto kong umabsent….waaaaaaaaaa!

ay ang anak ko…tinakbo ko ang batang paslit…ibubulsa ko si Justine, isang kilos na automatic…pero teka…hindi naman ako kangaroo?…san ko sya isisilid?…kalong-kalong….itinakbo kong palabas sa kalsada ang bata…ipinasa ko na parang bola sa ale na una kong nakita…”anak ko yan….wag mong iuuwi….pakikalong…”sabay bweltang pabalik sa bahay….

Pag-akyat ko ay  nadatnan kong binubuhat ni papa ang ref…wala nang oras para makipagtalo….pero bakit???!!!..gusto mo bang i-save ang mga galunggong, hipon at pusit na nasa loob ng ref?….

Walang tanong-tanong….tinulungan ko sya sa pagbuhat…sa oras na ito…parang kahit barko ay mabubuhat namin ng walang kahirap-hirap…ang kaso’y paano namin  ibaba ito e makipot ang hagdan matinding maniobra ang ginawa bago ito maiakyat dati…ayun…bumara sa hagdan ang ref…sabay talikod si papa na parang wala sa sarili at nag-ikot na naman sa loob ng bahay…nyahhhhh… bat mo ko iniwan?…pano na itoh?

Nakabara ang ref sa hagdan…tumalon ako para hakbangan iyo…lumundag na parang lito lapid ang style…naghagilap sa baba ng pwedeng tumulong…

Nuon ko napansing …anak ng pating!…andami palang tao sa baba eh bat walang sumasaklolo sa amin?….naglipana ang mga usisero sa kalsada…para bang me linya na naghahati sa amin…kaming umeeksena sa aksyon ay me tag-sign…”men at work”…. at yung mga nakatanghod naman…”men watching”….

haaay…hinablot ko ang isang lalaki …ikaw…tulungan mo ko…wala syang palag….natakot  ata sa itchura ko na parang mukha nang lulunok ng buhay na tao…

 …pinagtulungan naming itulak sa hagdan ang ref…bumali-baligtad ito na parang pinagulong na dice…at sa wakas…natanggal  din iyon sa pagkakabara sa hagdan…

Pag-akyat ko sa taas ay nakita ko na naman si papang binubuhat ang malaking cabinet ng koleksyon nya ng alak…nanang ko po!….kung yung ref nga ay di na nagkasya sa hagdan…iyan pa?…wag yaannnn!!!

Pa…wag na yan!…sigaw ko sa kanya…at sabay bwelta na sya sa kwarto… tinangay na ang mga…gamit na madaling mabitbit…portable tv…electric fan…kumot…unan…punta sa kusina…hinakot naman ang mga sandok…kutsilyo …kutchara…sangkalan…kaldero…kawali…garapon ng asin…dishwashing liquid….pot-holder…sardinas…toothpaste…martilyo…

Si len naman ay magilas din sa kanyang paghahakot…sinabog nya ang mga damit sa sahig…pero wala syang naibaba kahit isa dun….at ang himala ng mga himala…ang kapatid kong payatot at petit ay nabuhat ang washing machine mula sa second floor hanggang sa baba ng bahay…siguro naman ay me tumulong sa kanya…ewanko….sabay akyat ulit… pagbaba ay buhat-buhat  naman nya ang tangke ng lpg….nilunok nya siguro ang bato…at sa mga oras na iyon siya ay ganap na darna!

Ikot pa sya ulit…hakot ng kung anu-anu…..dvd player…baso… tabo.. panghilod …bulaklak na plastic…lalagyan ng tootpick…kabayong figurine…photo album na inihagis nya sa hagdan…hanggang sa sumabog ang mga pictures na parang mga confetti …at sa wakas ay walang isa man ang naisalba…nabura na nang tuluyan ang aming kasaysayan sa mga larawan…

Lahat ay tarantang-itik sa paghahakot…kung anu ang tamaan ng tingin ay iyon na ang dadamputin….nabitbit ko ang …walis tambo… feather duster… pressure cooker….dikdikan ng paminta….bilao… kutsilyo…bandehado…arinola…face towel…pitchel…at ang lubid na sabi ni papa ay itatali daw sa haligi, ilalawit ang dulo sa fire exit at duon maglalambitin pag-nagkasunog…

Hawak ko ang lubid…sabay tingin sa fire-exit…waaaaaa….nanang ko po….ang apoy ….ang sunog….sa fire-exit namin ume-enter…panu?….duon pumapasok… sa takot ko’y naihagis ko na lang ang lubid sa bintana na kung bat fire-exit daw….e  fire-entry naman pala….”ayan…sayo na yan”…sabay dampot na naman ng pwedeng maisalba…

ilang minutong ganuon ang eksena hanggang maramdaman naming game-over na…time is up…finish or not finish pass your paper moment na…hinto na ang hakutan….

Tahimik ngunit tiyak ang pagapang na pagpasok ng apoy… na ba’t hindi naman imbitado ay agad na na-at-home sa bahay naming yari sa kahoy….parang kulay ng bahaghari ang ulo niya…ang katawan ay parang kumukulong putik sa loob ng bulkan…ang buntot ay maitim na hanging na ang dampi ay nakaklapnos …sa saglit kong pagsulyap dito’y parang nakakita ako ng dambuhalang dragon na bumubuga ng apoy…nakangisi ito at inaring tuluyan ang aming pugad….ganap ang kanyang tagumpay…nilamon nya ng buo ang aming kabahayan….

May ilang trak ng bumberong nakarating…atubili pa iyon sa pagbomba ng tubig…naghihintay daw ng suhol sabi ng iba…kinausap ni papa ang isang bombero…at nuon lamang inumpisahan ang parang binubuhat na naming bahay dahil sa makapal at maitim na usok…

Walang magawa ang tubig na para bang di pa man dumadapo sa apoy ay natutuyo na…hindi masawata ang alimpuyo ng liyab….ilang minuto lamang ay anim na bahay na agad ang sabay-sabay na nagliliyab…

Nasa kalsada nalang kami sa tapat…nakamasid sa sakunang nagaganap… kalong ko si Justine at akbay si len…nakatanghod kami’t pinagmamasdan ang  unti-unting pagka-abo ng  aming bahay….para kaming mga estatwa sa aming pagkatulala…at bigla’y napansin kong kumilos si papa… pumihit papasok sa gate ng aming compound…halos pasunggab ko siyang sinilo ng aking kanang bisig…

kalong ko sa kaliwa si Justine…at kalawit ng kanan si papa….nag-uumalpas siya….kukunin daw niya ang attaché case niyang may laman ng mahahalagang dokumento  sa trabaho…titulo ng kabuhayan namin…pera …alahas… halos pasigaw ang matigas kong pagsasalita…

Hindiiiiiiii!!!!….mga bagay lang yan…ikaw ang mahalaga….tayo…buhay  pa tayo…iyon ang mahalaga…hayaan mo na yan!..

Ewan kung saan ko hinugot ang sinabi ko…basta’t naramdaman ko lang na hindi ko sya pwedeng ibigay sa tiyak na kapahamakan….Nakinig siya at hindi na nagpilit…

Gayun man….ang panglulumo ay walang katulad sa kanyang anyo…ang ningas ng apoy ay higit na maliyab sa kanyang  mga mata….wari’y  gusto na rin siyang tupukin ng kanyang panghihinayang….pagtataka…ng takot kung saang lupalop na kami ngayon itatapon ng kapalaran…

Lahat ng katas ng kanyang  pagsisikap…kabuhayang pinuhunanan ng mahabang panahon ng pagtitiis…pagtatapang-tapangan sa gitna ng maalon…mabagyong dagat…pinuhunanan ng pawis, luha, at dugo….ay heto …parang bangkay na naaagnas sa kanyang harapan…napakasakit na biro…..

tatlumpung minuto lamang ang itinagal ng trahedya…natapos na…lumagpak sa bundok ng abo ang matayog na antenna sa tuktok ng bubong namin…at iyon ang hudyat na ang palabas ay tapos na……

…ilang hakbang lamang kami mula sa eksena ngunit pakiwari nami’y  tumilapon na kami sa teritoryong walang pangalan….nasa ibang mundo na kami…at nang umihi sa salawal ang batang kalong ko…nuon ko napatunayang kami’y pulubi na…wala pala kaming naisalbang damit kundi iyong mga suot namin…ni  wala kaming mga sapin sa paa…

Nang matapos ang kaguluhan…lutang ang utak naming sinisinop ang mga gamit na naisalba…takang-taka kami kung saan napunta….wala kaming gaanong mabilang kundi electricfan at washing machine…

Sabi nga ng iba….mas mabuti pang manakawan wag lang  masunugan…totoo…pero mas angkop sa aming kalagayan ngayon ay…mas mabuti pang nasunugan lang…kaysa nasunugan na ay nanakawan pa…

Hindi na kami nag-abalang maghanap sa mga nawawala….napasa-kamay na iyon ng mabubuting nagkunwaring tumulong…kung paano nila nagawa iyon ay hindi ko na gustong intindihin…wala na kaming enerhiyang magalit…gimbal ang nakasaklob sa aming isip…

Ano nga ba ang pwedeng isipin pa sa ngayon?…ngayon na waring mas mapalad pa ang pagong sa amin…ngayon na halos nakahubad na kami sa aming kawalan…wala ng natira….wala na kaming ibang hawak….wala na kundi ang aming mga sarili…at ang isa’t-isa….

Dumating si wiwit galing eskwela, bunsong kapatid ko na hiniram namin sa nanay para mag-aral ng elementary sa malapit na school …at heto nga…pati siya ay nadamay pa…iyung school bag at suot nyang uniform nalang din ang gamit niyang natira….

Kailangang magpahinga ang mga bata…agad na naisip ni papa…hinarap na namin ang unang mahalagang tanong matapos ang pangyayari…saan kami hahapon ngayong gabi?

May nagmagandang-loob na patuluyin kami nuong gabi na yun… ewan kung paanong nangyari na buong pamilya kaming natumpok sa isang silid…handuon si bong, si len, si lisa, si eman, si wiwit, ako, si mama at papa…lahat ay tulala… at parang hindi naman talaga kami hiwa-hiwalay na kampo… nasunog ang bahay ngunit heto kami…isang buong bahay pa rin…isang tumpok sa aming dalamhati….

Nasa ganoong ayos kami ng umpisahan naming bilangin ang mga “sayang”-… yung box ni papa…yung cash na nasa silya lang sa tabi ng telepono ay kung bat hindi pa nadampot…yung di pa nasusuot na regalo kong levis ni len… yung santambak na chocolates…mga libro ko…photo album….eskaparate ng koleksyon ni papa ng alak…ilang set ng mamahaling mga dining wares na me presyo pa at hindi nagagamit….yung mga lucky charms ni papa…ting!…parang magic word ang isang iyon…

 lumiwanag ang mukha naming lahat nang may bumanggit ng “lucky charms”…napangiti kami…hanggang sa may magtanong…

Pa…bakit yung mga pampaswerte mo pa ang unang minalas?…. ahahhahahha!..humagalpak ang lahat sa pagtawa….At bakit mo nga ba unang binuhat yung ref?….ahahahhaha…tapos yung cabinet gusto mo den ilabas…lahat ng mabigat inuna mo.ahahhahahha….At yung fire-exit natin….duon pumasok ang sunog?…ahahhahahaha…malakas ang hagalpakan na para bang nanonood lang kami ng pelikulang comedy….

Pero saglit lamang din iyon at naghari na naman ang katahimikan….naubos ang  tawanan at lahat ay nahulog na naman sa malalim na pag-iisip…

Paano na?…paano tayo magsisimulang muli?…lahat ay waring bihag ng takot… at ng kumibo si papa …

kase naman tong ate mo…pinigilan pa ko…kukunin ko lang naman yung attaché case at handuon ang mahalagang papeles natin nangilid ang luha nya sa mga mata…halos mabasag ang boses sa pagsasalita….hindi maitago ang unti-unting pagkadurog ng kanyang loob….

Agad na sinalo ni len ang panlulumong iyon…

Hindi ka na kase pwedeng bumalik sa bahay nuon…napakalaki na ng apoy… pinigilan ka na ni ate kase tiyak na mapapahamak ka…at lalong mahirap yun…dahil yung mga gamit nating nawala…mapapalitan…pero ikaw…hindi…

At sa mga salitang iyon ay napayapa ang kalooban naming lahat…yapos namin ang isa’t-isa sa gitna ng kawalang ito….wala mang nangungusap…batid naming…dumadaloy sa amin ang pakiramdam na…mula ngayon…sisikapin naming lalong maging matibay ang pundasyon ng aming tahanan…ang pagmamahalan sa isa’t-isa….

Dumaloy ang mga taon…ang lahat ng nawala ay naibalik din…at lumabis pa nga…ang tatay ko’y hindi kinupasan ng sipag…hindi pinanamlayan ng pag-asa…hindi tumigil sa pagpupunyagi na pangibabawan ang hirap…hinarap niya’t binalikat anu pa man iyong salimuot na dumating sa kanyang landas…. nagpatuloy lamang siya ng nagpatuloy…nagpatuloy ng nagpatuloy…hanggang sa kanyang huling sandali…

Ngayon…tuwing sasapit ang buwan ng Marso ay hindi ko mapigilang mapangiti tuwing maaalala ko ang isang araw na iyon sa “fire prevention month”…araw na kami ay nasunugan….

At kahit na siguro lumaon pa ang panahon at tuluyan ng mabura sa alaala ko ang mga detalye ng tungkol duon…katulad ding madalas ko nang makalimutan ang birthday o death anniversary ng tatay ko…ay hinding hindi ko maiwawaglit sa isip ang “fire exit” ni ginawa nya…

Napakaraming ikot pa muna ang nangyari…marami-raming “sunog” pa muna ang pinagdaanan ko…bago lubusang naintindihan…ang kahulugan niyon….

Ang inspirasyon ng tatay ko ang aming “fire exit”….

isang lagusang kakaiba… walang hagdan…walang lubid na lalambitinan…at walang lambat na sasalo sa lalagpakan…walang pangako ng kaligtasan…

Ngunit kapag natagpuan mo ang sarili sa gitna ng “sunog”…kapag wala ng ibang pwedeng takbuhan… kapag ang simoy ng kamatayan ay langkap na ng hanging nilalanghap mo….kapag nasukol ka na ng tiyak na panganib at pangamba….

Lingunin mo lamang ang pintuan…tugunin mo ang hamon nito…tunguhin….at pikit-mata kang lumundag…sakupin ang sarili…iyon lamang ang paraan… lundagin mo ang lagusan… sa iyong pagbulusok… nuon mo mauunawaan…nuon mo matutuklasan na ang tanging makasasagip sa iyo… ay walang iba …kundi ang  tumutubo mong mga pakpak…

 

14 Responses to “Fire Exit”
  1. marami akong comment pero pauunahin ko muna si Chay hihihihi…eto na lang muna!
    “love you kurdapya!”*kindat*-magkabilaang mata kaya *kindat* uli hihihihi

  2. babes,isa kang tunay na mandirigma…katangiang naibahagi sa iyo ng iyong magiting na ama.yung persistent determination mo(at ng buong pamilya)to raise above the situation na parang napakahirap iahon ang sarili e nagawa mo/nyo.nakuha nyong ngumiti sa harap ng trahedya, mangarap sa gitna ng kalunos-lunos na pangyayari at higit sa lahat ang magpatuloy ng magpatuloy sa inyong mga pangarap……I SALUTE YOU AND THE REST OF YOUR FAMILY…..

    ngayon lalong nag-ibayo ang paniniwala ko, kaibigan, kahit ilang suntok sa buwan at fire exit pa ang daanan mo…i’m pretty sure you’ll do just fine.

  3. kuracha…tumagos ng malalim ang iyong sinabi…salamat…salamat…salamat…isa ka sa liwanag na nakatanglaw sa aking magilas na pakikidigmang ito…
    gustong-gusto ko yung “you’ll do just fine”…nakakawala ng pagod…ngayon ay mahimbing na naman sigurado ang tulog ko…salamat sa ‘yo kaibigan!

  4. Kurdapya, sumisinghot pa ako at nag pupunas ng luha! Yes, am suffering from mixed-emotions… tumatawa -sa mga nakakatawang eksena- pero tulo ng tulo ang luha ko. You have vividly described the scene! Para akong na transport sa actual scene. Habang nag ty-type…para ko pa rin nakikita ang papa mo na ikot ng ikot… lahat natataranta, ang mga tao nanonood, ang bahay natutupok ng apoy… ang hagalpakan sa kabila ng trahedya. Ramdam ko ang kapayapaan na nanaig sa kabila ng pagsubok. Peace sneaks in when you least expect it. And when it comes, it brings resolution and strength with it.

    “At sa mga salitang iyon ay napayapa ang kalooban naming lahat…yapos namin ang isa’t-isa sa gitna ng kawalang ito….wala mang nangungusap…batid naming…dumadaloy sa amin ang pakiramdam na…mula ngayon…sisikapin naming lalong maging matibay ang pundasyon ng aming tahanan…ang pagmamahalan sa isa’t-isa….”

    Your dad has left a legacy and a treasure trove of teachings handed down through his actions. I salute your papa Babes. Kahanga-hanga siya!

    It is true that you will never realize how brave you are until after you have hurdled a challenge. You will never know courage until you are face to face with the enemy.

    Your experiences have made you who you are, Bebes –strong, wise, soulful. You have people skills and most of all… you can write well! I have been captivated by writing that involves me and stirs me… You have a gift, pursue it!

    Kudos Kurdapya! *palakpakan*

  5. Tesya…lagi kong pinananabikan ang iyong pagbasa sa aking akda…hindi lamang sa papuri mo na napakasarap naman talaga…ang ngiti ko ay hindi na matapos…ang iyong pagbasa kaibigan ay may puso ding itinutumbas sa pinipintig ng akda…lalong nabibigyang buhay anu man iyang nasa itaas dito sa espasyong ito ng mga komento…dahil handito ang testimonya….ang pagpapatotoo…ang pagpapayaman…ang pinakamalaking bahagi ng kabuoan ng tekstong nasa lamesa….
    nakikilala lamang natin ang isang bagay na may katumbas na larawan sa ating mga puso at isipan…at di maikakailang nas iyo din ang mga katangiang iyong hinangaan sa pahinang ito kaibigan…
    ibinabalik ko sa iyo ang mga papuri Tesya….dahil isa ka ring tunay na marilag na mandirigma!
    at kahit magmukha akong tanga sa kakasabi nito…hindi ko ito pagsasawaan…TAOS SA AKING PUSO…SALAMAT!

  6. Dito na po ako….
    Sorry Chay di na kita maantay hihihihi…
    Kaya po pala eto bawtismo sa liyab ng apoy…may apoy nga hehehehe este sunog pala
    Pero alam ko mas malalim sa pisikal na sunog ang pinanggagalingan ng galing ninyo…
    Noong una ko kayong masilayan, sa tingin ko sa isang comment ninyo sa blog ni Pulis Pangkalawakan…bilang isang santan na may caption na- “contrasted with the ordinariness of its background isn’t this flower wildly beautiful?”…alam ko na na may makikilala akong mabuting kaibigan…isang taong marunong tumingin at umintindi sa mga bagay na mas may kabuluhan sa mundong ibabaw…yung patawa tawa pero seryoso kapag buhay na ang pinag uusapan…una ko pong napansin noon yung mga larawan…yung bulaklak na ligaw sa tabi ng basurahan…na ang caption e …”nakikita mo ba ang nakikita ko? Ano?,” sabi ko sa sarili ko…eto ang hinahanap kong tao…binggo! Hehehehe tapos yung bench sa gilid ng bangin looking out sa dagat….doon…doon na ako na hook at umupo na ko forever sa gilid ng bangin….a, meron pa pala pong isa…yung picture ng dalawang ibon sa porch…mahilig din ako sa ibon kase hihihihi (don’t touch my birdie hihihihi)…gusto kong isiping isa kayong hulog ng langit sa buhay ko (ok lang po ba sa inyo yun? Kase di ba pag nahulog mula langit pupuedeng ibig sabihin e tiwaling anghel?hihihihi) …isa kayo sa nagpapasaya sa buhay ko ngayon at kalabisan mang hilingin ay sana hanggang sa pagtanda natin (hehehe siguradong mauuna kayong tumanda ng konti lang naman yahoo hihihihi) e nandiyan pa rin po kayo at prends pa rin tayo…gosh…di kaya pag matatanda na tayo e masakit na sa kamay mag type po at naku lagot baka malalabo na mga mata natin nun at di na makabasa hehehehe….
    Teka, nobela na po ata eto….”saludo po ako sa tatay nyo!” masyado akong na touch sa naturan nyong di nya namamalayan na nagbabago ang buhay nya at umuwi sya minsan na nakikipaghiwalay na ang nanay nyo sa kanya at wala na siyang magawa kung hindi sumang ayon………ganyang ganyan din po kase ang love life ng tatay ko…..nagising na lang siya isang umaga na hindi na daw siya mahal ni ina….(haaayyyy ayokong umiyak pero naiiyak ako) pero tulad ng tatay nyo e henyo din ang tatay ko…gusto kong isiping wala lang sa kanya yun pero pag nakikita ko siyang nakatulala minsan gusto kong hilain pabalik ang panahon….masakit sa dibdib ang akda nyo pong ito buti na lang may super duper over grover huge sense of humor kayo at kung hindi e kakayanin ng baha ng luha mismo patayin ang sunog hehehe..tawa ako nang tawa dun sa eksenang kausap nyo tatay nyo sa telepono tapos sabi nyo…”di naman napilayan, di naman nadisgrasya pero…si ako buntis” hahahaha at syempre naalala ko na naman nung ako din ang nagsabi ke ama ko na ako e nagdadalang Orly sa tiyan hahaha…hindi po actually nakakatawa kase umiyak si ama sa harapan ko at sabi nya pangalawang pag-iyak lang daw nya yun…una nung namatay ang nanay nya….haaayyyyy ano ba yan nakikisawsaw na naman ako sa buhay nyo hihihihi….salamat po..dahil sa “fire exit” na sumaling sa damdamin ko bilang isang anak e natuto na naman ako- na “lumingon sa pintuan, tugunin ang hamon….at paliparin ang aking mga pakpak!”
    Sa galing nyo pong magsulat ay wala na akong masabi…antay po ako uli sa susunod na pagliyab na apoy!
    Mahal ko po kayo! “kindat”

  7. ang me pakana says:

    zen, tawa ako ng tawa sa komentaryo mo…at bago ko den ito maging nobela ay uunahin ko nang sabihin…na ganun nalang ang pasalamat ko’t natagpuan kita….nasabi ko nung mabasa ko yung “insanity” (first blog)….haaay…salamat heaven at hindi lang pala ako ang natitirang windang sa mundong ito…eto pa ang isa…tingnan mo to eka ko…anu bang pinagsasabi nitong mga “kabaliwan”…sa likod ng mga salita ay kumikinang ang malinis na puso….na hindi takot magmukhang tanga sa mata ng iba….basta’t maamin lang ang kanyang saloobin…gulat na gulat ako na ikaw ay isang manggagamot….at lalo akong humanga ng makilala kita ng lubos sa iyong mga panulat…na nagsasaad ng pagkabighani mo sa simpleng buhay…pagkatig sa mga panuntunan na di matumbasan ng kinang ng kamunduhan…kaibigan…hindi ako sigurado sa “habang-buhay”…kung anu yun…o saan yun….pero ngaron….nasilip ko na ang “eternity” sa iyong inihandog na pagmamahal…at dito…ang salitang salamat ay kulang na kulang na sa kahulugan…

    ang paglagi mo sa “bangin” at paglundag na kasama ko sa “liyab ng apoy”…ay isa sa matimbang na dahilan…bakit ngayon…ang mga pakpak kong matagal na nakatiklop….ay ibinuka, ikinampay…hanggang sa pumilanlang ako sa kalawakan…binubugahan mo ng hangin ang aking paglipad…tinuturuan mo akong wag matakot…kaya ganon na lamang siguro ang pag-angil ng aking panulat…dahil anu’t-anu man ang mangyari…lumagapak man ako sa lupa…o sumirit sa kalawakan…ay may nakarinig na…may nakadama…may nakakilala…merong isang sunsetzen…

    nuong magkoment ako sa isang blog mo tungkol sa iyong pagiging manggagamot…nag-alay ako ng isang panalangin…”ingatan ka Nya…panatagin at patatagin ang iyong kamay, puso at isip…dahil dito nakasalalay ang maraming buhay pang maisasalba…mga sakit na mapapagaling…mga sakit di lang ng katawan…kundi maging ng kaluluwa…”…dok…ang aking mga akda ay hindi “masaya”…kahit na may halakhak pa sa loob nito…hindi lamang tungkol sa akin ang mga ito….gusto kong isipin na sumasalamin sa maraming pusong naghahanap ng masasandigan…kaliwanagan….para muling harapin ang buhay na…mulat at may pag-asa…ang mga teksto dito…at dahil kasama ka….dahil hindi ka nagdadamot sa iyong pakikihati sa anu mang meron…ang hindi “masaya” ay lumiliwanag…naghihilom…wari’y tuluyang gumagaling ang sugat…

    nadiskubre ko na sa tuwing bibigkasin ko ito…nag-iibayo ang kahulugan ng salita…na para bang lahat ng bokabularyo ng pag-ibig ay kayang sumahin nito…gaano man ito ka-kulang zen…buong puso ito…tagos hanggang kaluluwa…
    SALAMAT….

  8. ang me pakana says:

    ayan na nga ba…wringkles na naman ang aanihin nating dalawa pag di natin tinantanan tong mga ka-anik-anikan natin…ahahhahaha…kulasa…jologs tayo…ayun ang lagi nating tandaan….ahahaahay(*kindats na mag-asawa!*)

  9. hehehehe tigilan na uli natin po ang ka dramahang ito at di na tayo magmumukhang smiley kundi crying na icon hihihihihi “love you po” mula ulo hanggang paa nyahahahaha magkabilaang *kindat* tapos belat hihihihi

  10. asan ba dito si Chay? sya ba si kuracha? naku, nalilito ako sa inyo :)
    Carmen, hanga ako sa papa mo, damag dama ko ang pagmamahal nya sa inyo. kahit ano pa man ang nangyari, ay tinatanggap nya pa rin, masakit man, pero nagliliyab pa rin ang kanyang pagmamahal sa mga anak na hinding hindi nya pwedeng talikuran. di ko akala-in na may apoy talaga sa istoryang ito, apoy na syang nagbukas din nang mga lakas sa inyo na nun ay hindi nyo alam na kaya nyo, syang nagbigay sa inyo nang karagdagang lakas nang lo-ob na kahit ano pa man, kayo ay titibay. parang kitang kita ko ang pangyayari, kahit ako nagtaka, kung bakit na-una pa ref, :) tsaka yung mabibigat sa importanteng papeles, kaso lang, na-intindihan ko, sa gano-ong sitwasyon, mahirap na mag-isip, minsan, aksyon na lang agad tayo kung ano ang unang makita natin. minsan ko na rn maranasan yan carmen, na umalis sa bahay dahil sa pag-iiwas sa posibleng darating na nagliliyab na apoy. ako ay umiiyak, pero ang asawa ko naman ay kampanteng kampante, kinakalma ako, sabi nang sabi na, “dear…we’ll be okay…what we will lost can be replaced back again…what is more important is we are given a chance to live.” wala kaming dala alis sa bahay, maliban sa importanteng papeles na magbabalik nang ayos sa buhay namin, sa awa nang Dyos, yung apoy ay hindi lumiyab sa direksyon nang bahay namin at kami ay may inuwian pang muli. pero sa mga sitwasyong ito makikita natin ang pag-iisa, tulad nang pag-iisa nang pamilya nyo, ang saya sa kabila nang lungkot. makakapag-joke pa tayo, kasi, alam natin, na tuloy pa ang buhay.

    sa ulitin carmen, nang muling pagliyab nang apoy, na damang damang galing sa puso ang pagliliyab nito na syang nagdala nang mahuhusay na kwento.

  11. ang me pakana says:

    betchai…naisip ko bigla…buti nalang kahit tayo ay parehong me salamin sa mata…medyo malabo na ang paningin….ay hindi naman ang ating puso at isip…ako’y laging namamangha sa iba’t-ibang perspektiba na pinapanggalingan natin…na nakatngin sa isang bagay…iba ang ating pagkakita o iba ang napapansin…pero sa huli….iisa lang ang ating nadama at naunawaan…salamat kaibigan…nakita mo ang apoy…iyong pumupuksa ng materyal na bagay….at iyong sumisira ng kalooban ng tao…at nakita mo rin…na ito ay “kailangan” din minsan upang lalong mag-ibayo ang ating lakas…at higit na makapagpahalaga sa tunay na mahalaga sa buhay…ang mata ng puso at isip natin betchai ay hinding-hindi lalabo…dahil sanay na itong tumitig sa liyab ng apoy…

    si kuratcha nga pala ay si eng…si kulasa sy si zen…si tesya ay si tes…gusto kitang binyagan pero parang ansagwa naman kung “bethchin” (ahahahhaha….biro lang po)….ok na yan bethchai…parang katunog nadin ng mga pangalan namin na pang “inday” ang dating…ahahhaha….at si chay nga pala ay petchay….pero ewan kung gusto nya na yan itawag ko sa kanya…at uu nga…wala pa si chay…sya na lang ata inaantay ng barko…at tuloy na ang byahe…baka nasa palengke lang…antayin natin…

    betchai…hindi ko na kada-dramahan ng husto…at talaga namang sa amin ni kulasa ay nawindang na ng husto ang mga bumabasa nitong page ko….sagad hanggang buto ang palitan namin ng mga kakuningang anik-anik…na para bang kami’y nasa pluto at wala sa eath (ahhhahah)…kaya simple nalang po…pero rest assured…ganun parin kakulit at katotoo………muli, taos sa aking puso SALAMAT….

  12. Chay present.. ang laging huli sa klase ! Isang malaking trahedya Carmen, pero sa kabila ng malaking trahedya ang aking nagustuhan ay ang pagkasulat na ang focus ng istorya ay dun sa mga magagandang aral na mapupulot at ang pagbibigay ng malalim na kahulugan sa mga bagay na hindi kayang sunugin ng apoy or nakawin ng magnanakaw. Salamat at walang napahamak sa pamilya - yun nga ang pinaka mahalaga.

    Tawang tawa ako sa sunod sunod na mga pangyayari at ang pag describe mo ng mga kilos ng bawat isa - tuliro ka pa kamo nun huh ? Tulad ng itay mo, natawa ako kc si tatay ko din noon nabuhat ang refrigerator namin nung me sunog, di kami nasunugan pero umabot din kami sa pag alsa balutan para ready daw kung sakali. Patawa kc nung binabalik na yun ref. apat na silang nagbubuhat hirap na hirap pa !

  13. ang me pakana says:

    ayan kumpleto na ata ang mga pasahero…tooooot! toooot!…at paalis na din ang barko…mabuti umabot ka pechay…pero talaga namang hinintay ka namin e…pano ikaw ata me dala ng baon natin…ahahhaha

    as ever dear chay…tumbok ang iyong komentaryo…talagang ipinihit ng “me pakana”…na hindi dumanak ang pakiramdam ng panlulumo…tinimpi ng husto ang mga luha…ngunit bagamat subalit alalaong baga…katulad ng sinabi ng mga naunang kritiko…mabigat ang hatid sa pakiramdam…totoo siguro…hindi ako sigurado sa pananaw na galing sa labas…dahil ako ay nasa loob ng kwento…ang punto lamang…at ewan kung iyon ay napagtagumpayan nga sa pagkasulat ng akda…sana…gaano man kahirap ang dumating…ay magpatuloy pa rin…dahil ano pa nga ba ang bibilangin kundi iyong bawat pagtayo ulit…matapos na bumagsak…haaay…napakadaling sabihin…ngunit napakahirap gawin…mahirap….ngunit hindi imposible…katulad ng nakita sa halimbawa ng tatay ko..

    napakaraming draft ng istorya bago ito nabuo…makailang ulit ibinasura ang medyo me kahabaan na ding rough draft…dahil pinapatining ang tema kung anu nga ba ang gustong tumbukin…maski ako ay nagulat ng mabuo na at magkaroon ng sariling buhay ang akda…kakaibang karanasan…nuong umpisa’y kwento lamang ng kwento…at ng dumating sa dulo…duon na lamang lumabas ang pinaka tema…magic!

    chay…isa ka sa mahal kong inspirasyon at tagabasa…kasalo sa anu mang naihahain sa ating hapag…salamat at kahit na minsan ay malayo siguro sa mundo mo ang aking mga likha…ay nagagawa mo pa rin tumawid…para makasama kami…lalong lumalakas ang loob ko na magpatuloy…dahil kahit malayo…ay umaabot pa rin pala duon ang bulong na mensahe ng aking mga akda…napakalaking bagay ng iyong pakikisangkot kaibigan…salamat…salamat…tunay lang at tapat….maraming salamat…

  14. pahabol ng comment….

    kay ganda lagi ng istorya ng bawat totoong kwento dagdagan pa ng magandang pagkakasalaysay…parang nandun na rin ako sa labas ng nasusunog na gusali…

    hehehe…

    wanderer lang ako sa mga blog…

    finding inspiration to write my own

Leave a Reply