dahil nakikita lamang natin ang gustong makita…naririnig ang gustong mapakinggan…nakikilala ang gustong kilalanin…at iyong mga nasa harap natin na ayaw nating pansinin ay nananatili na lamang sa sulok ng ating mata…nasa likod ng isipan…ikinakandado sa imbakan ng mga alala na hinding-hindi natin pagtatangkaang buksan kalian man… inililibing natin sa limot ang mga aninong ni ayaw nating bigyang pangalan…

subalit katulad ng hindi nakikitang dampi ng hangin…mula sa kung saan ay dumadalaw ang mga alaala ng walang abiso…. mga alaalang bakit kung titigan mo ngayon ay waring nagbabago ang kulay…nag-iiba ang anyo…bakit ang aninong itinago natin sa dilim ng nilimot na gunita ay bumabalik ngayon…lumalantad sa liwanag…at nagpakilalang muli kung sino siyang talaga…

May lason ang hanging nagbabalik sa iyong ala-ala…

kumagat na ang dilim…nag-uunahan ang mga paa ko….sagsag sa paghakbang pauwi sa bahay… parang tumatakas sa pagmamadali….hapong-hapo sa pagod sa buong araw na  pagtatrabaho… nanlalagkit sa pawis na pinatuyo ng tambutcho ng mga sasakyang naipit sa trapik…gutom…pagod…antok…bugnutin…kung maari lamang na matulog habang naglalakad ay malamang ginawa ko na…wala na akong napapansin sa aking dinadaanan…sa isip ko’y wala nang pinakamasarap ngayon…kundi ang ako’y kumain at bumulagta sa aking kama…

at sa wakas heto ka’t bumubungad sa aking paningin…pasuray-suray sa kalasingan…nakayukyok sa tabi ng posteng nasa kanto ng bahay namin…at katulad ng dati…nagsasalita ka nang walang kausap…

“magaling!, habang nagbabanat ako ng buto ay heto ka’t nagpapasarap …nagpapakalasing…nagpapakasugapa sa alak o droga…o kung anu pa man iyang tinira mo upang tumakas sa mundo ng “katinuan”…o sya… sige….ganyan nga…lunurin mo ang sarili…ipamukha mo sa mundo na mahina ka…na nakakaawa ka…na ikaw na ang pinaka-bigo…isisi mo sa lahat ang iyong himutok…ganyan nga…patayin mo ang sarili sa  pagsuko…sisihin mo ang mundo na may kasalanan ng lahat ng iyong kasawian…isisi mo sa lahat ang lahat maliban sa sarili mo…DUWAG!

 madaming beses kitang pinalampas…pero hindi ngayon…hahayaan ko nang mawala na ng tuluyan ang paghanga mo sa akin…nag-uumalpas na kase ang mga sumbat na parang kulog na dumadagundong sa utak ko…at oo…ngayo’y makakatikim ka ng hindi mo pa narinig…at marahil hindi inaasahang kaya kong sabihin…pinapatay mo na rin lang ang sarili kaya hayaan mong tulungan na kita…itatarak ko sa utak mo kung ano ka…BASURA!

… nanlilisik ang mga mata ko sa pagkakatitig sa ‘yo…inaantay kong  umusok ka mula sa kinatatayuan mo…hindi naman lagi…pero ngayo’y…damang-dama ko na sana nakakatunaw nga talaga ang mga titig para naman masunog ka na at nang mabawasan na ang mga “kalat” sa mundo…hinihintay kong salubungin mo ang nangungutya kong tingin…wari’y handang-handa ako na komprontahin ang pagpapatiwakal mo …at nang sumabog na rin ang sarili kong galit sa mundo…”hala sige!…tingnan mo ako ngayon…ng makita mo naman gano katalim ang mga pangil kong gustong sumakmal sa iyo…tingin ka ditooooo!!”

pero hindi ka kumikibo…ni hindi ka nag-angat ng ulo upang tingnan ako…dati-rati nama’y hindi nawawala ang mga ngiti mong isinasalubong sa akin na may langkap na ng halimuyak ng alak syempre pa….pero wala iyon ngayon…naramdaman mo siguro… at tuluyang iniwasan ang aking handang-handang pakikipag-ingkwentro…ewan…bakit parang alam mo…nabasa mo kaya ang nasa isip ko?…bakit alam mong sa sobrang pagod ko’y wala na rin ako sa sariling katinuan…na tulad mo’y gusto ko nalamang ding tumakas!…buhol-buhol na ang himutok sa isip ko…ngunit nang makaramdam kong walang sagupaang magaganap… dahil hindi pa man ay sumusuko ka na…wala na akong nagawa kundi ang bumuntong hininga…iniiwas ko na rin ang tingin ko sa ‘yo…

sinapit ko ang pintuan ng bahay na parang ako’y makina na lamang na umaandar sa gatong ng gasolina…wala na akong maisip at wala ring maramdaman…basta’t kikilos na lamang ako sa mga nakagawian…ilalapag ang gamit…magpapalit ng damit pambahay…maghahanda ng pagkain…kakain…magliligpit ng kinainan…maghuhugas ng plato…magsisipilyo, hilamos…at nagmamadaling humimlay sa aking higaan…

ilang saglit pa’y bahagya na akong nakapagpahinga…naghihintay nalang dalawin ng antok…lumulutang na ang isip ko duon sa mga gusto kong panaginip…nakatitig nalang ako sa kisame…winawari ko kung ganito ba ang pakiramdam ng paralisado…at saglit pa ako’y nakikinig na at sumasagot…nakikinig at nagtatanong…nakikinig at natatawa….teka nga sandali!…sino ba ang aking sinasagot?….at magugulat pa akong…ikaw pala ang kanina ko pa naririnig…at walang kamalay-malay kong kinakausap…ang boses moy dinig na dinig ko mula sa tarangkahan ng aming pinto na di kalayuan sa bintana ng silid ko….aha!…at jan ka pa pumuwesto?…isinara ko ang bintana upang hindi kita marinig….subalit kahit mahina…ay nakakarating pa rin sa akin ang tinig mo…haaay…pagod ako at ayoko nang bumangon para bugawin ka…hindi ka naman gaanong nakakabulahaw…at ang totoo’y naaliw naman ako sa mga sinasabi mo…kaya sige…jan ka na nga lang…

napapangiti ako sa mga kwento mo….ang daloy ng iyong monologo ay hindi mapapasubaliang matalinong diskurso…kahit anu ang paksain ng iyong daldal ay may lohikal na pagkukuro…nakakatawa pa nga minsan…sabi mo halimbawa na ang “Tsunami sa Thailand ay natural disaster na mabuti’t hindi sa Pilipinas tumama…kung hindi’y isa ka sigurado sa unang malulunod at ikaw ay lasing nuon dahil birthday ng kumpare mo yun (hmp!…kahit naman walang me birthday e lasing ka…sagot ng isip ko)…at siguro’y sapat na ang madaming bagyo upang lumpuhin ang ating hikahos na ekonomiya…kasali ang bagyo na likha ng kabulukan ng sistema na pinaghaharian ang mga “buwaya” sa ating lipunan…kaya hindi na natin kailangan ang Tsunami… araw-araw na kase tayong disaster case”…ahahaha…natawa ako ng palihim…humahanga ako…subalit sa gitna ng paglilitanya mo’y hindi ko rin maiwasang isumpit ang aking tanong…”paano ka umabot sa ganito?…sino ba ang nagpa-iyak sa iyo?”

at bigla nalamang may sisigaw…naingayan siguro….medyo dis-oras na din kase naman…maliban sa ingay mo’y tahimik na ang nakapikit na gabi….”hoy Idoy!…umuwi ka na!…kung ayaw mong magpatulog…e magpatulog ka!…layasss!!!!”…para kang asong binugaw…hindi ako natuwa…biglang humapdi ang mata ko…parang naramdaman kong ako rin iyong itinaboy na parang hayop….

wala na ang ingay mo…ngunit hindi pa rin tahimik…inokopa mo nang tuluyan ang aking diwa…at hahayaan ko nang  dumaloy…magpapatianod ako…hahayaan kong matangay sa agos ng dumadalaw na alaala ng ating kamusmusan…

ilang tag-araw din tayong namisikleta sa gulod…ginalugad natin ang mapunong mga sulok ng campus na sumasakop sa ating komunidad…Gerardo…iyan ang tawag sa ‘yo ng ate Mercy mo…na ewan kung bakit naman siya’y dalagang-dalaga na…at ako’y nasa-ika apat pa lamang na baitang sa elementarya…ay naging matalik kong kaibigan…lagi akong nakabuntot sa ate mo…kaya lagi din kitang nakikita…

…mahiyain…tahimik…masunurin sa magulang at magalang sa isang-rekwa mong utuserang mga ate…tuwing hapon ay nagpapasiga ka ng kalan na kusot ang gatong…at magsasaing pagkatapos…ilang beses ko din namang natikman ang laing mo na kahit hindi ko matutunan lutuin…ay talagang naging paborito ko…sarap na sarap akong makidulog sa hapag ninyong kahit gaano kasimple ang pagkain…ay inihahain sa akin ng may buong pagtanggap…naging ikalawang bahay ko na tuloy ang bahay ninyo…at maging ang santambak nyong alagang pusa at aso…na lahat ay may pangalang kakaiba…”lukso”…”ngiyaw”…”gilas”… ”ksp”… ay nakilala na ang amoy ko …maging ang puno ng aratiles ninyo’y naging pugad ko sa aking madalas na paghapon doon…katabi ng mga manok na alaga nyo…na oo…may mga pangalan ding lahat…ahahaha … nanginginain ako ng bunga sa tuktok ng puno… at parang opera singer na nagtitili sa pagkanta….

bakit nga ba nuong musmos pa tayo ay hindi naman natin alam na musmos pa tayo …kaya hindi ko din tuloy alam kung anu ang tingin ko sa ‘yo…hindi naman siguro kapatid…dahil madami ka na nun…at ako rin…hindi naman kita crush at wala pa akong regla nuon…hindi pa tinutubuan ng malisya… ni hindi ko nga alam na bawal maghubad, magpalit ng damit sa harapan ng lalaki…ni hindi ko nga alam na “iba” pala ang mga “dapat” na gawi ng lalake’t babae…anu ba naman ang maiiba…samantalang…pareho tayong naglalaro ng teks…goma… luksong-baka…patintero…luksong-tinik…”luksong-bakod”…kapag kinakahol na tayo at hinahabol ng mga aso ng kapitbahay na kinuyog natin ang mabungang puno ng mangga…ahahahha!…football na sa paglaon ay pinagtatakhan ko kung panong naging football ang baseball?…ahahhah…makulay…napaka-makulay na kabataan…

at bat nga kaya wala na akong matandaan isa man sa mga “batang” kwentuhan….ang alam ko lang ay masarap magtakutan kapag bilog ang buwan…at maglalaro tayo ng taguan-pong sa kasukalan ng bakuran na puno ng naglalakihang puno ng balite at akasya…wala tayong kapaguran…mas nauuna pa ngang mapagod ang araw kesa sa atin…gabi na ay hindi pa rin tayo sawa sa ating daigdig ng mga halakhaw at paglalaro…

…ang sarap balikan…sana hindi na natapos…at bigla nalamang  akong natigilan…nahinto ang pagbabali-tanaw….napawi ang ngiti…sumikad na pabalik ang larawan mong nadatnan ko kaninang galing ako sa trabaho…sumusuray-suray sa kalasingan…at ewan…nanikip na bigla ang aking paghinga…parang may bumara sa lalamunan ko…uminit ang aking mga mata…pinigilan ko …ayokong umiyak….asan kana ba?…bakit  diyan?…bakit ka diyan nagpunta?…ano ba ang humahabol sa iyo?…bakit ka tumatakbo?

…at sa mga gabing tulad nito…ilang libong beses kong nahihiling na sana….sana hindi nalang tayo lumaki….na sana’y hindi na natapos ang yugtong iyon….sana’y hindi na kita nakikita ngayon na ganyan…buhay na walang buhay…nagkukulong sa daigdig ng kabaliwan…talunan!… ….sana….sana Gerardo…nuon narin natapos ang ating kwento….para hindi na sumapit ang mga gabing…ayaw mong patulugin….ayaw mong patulugin ng iyong pananaghoy…tulad ng gabing ito…

…lumaon ang panahon…uminog ang mundo kong tiwalag na sa lahat ng may kinalaman sa ‘yo…napalipat kami ng bahay kaya wala na akong nalaman pa…mahabang panahon nang pagku-krus ng ating landas ang namagitan….mahabang panahon ng katahimikan…. mahabang panahon na tinapos ng balitang sumundo sa akin upang ibalik sa iyong harapan…at muli…binasag mo ang katahimikan ng aking mundo…binasag ng pagpanaw mo…

…at  dahil hindi ka naman malaking tao….sino pa nga ba ang dadalo sa iyong burol maliban sa iyong mga kamag-anak…ilang piraso ng mga kakilalang sing tagal lamang ng isang tasang kape ang inilaan sa iyong lamay…mga nakiki-usyoso sa pinagpipistahang kwento ng iyong trahedya…wari bang tuwang-tuwa ang mga itong mistula silang mga imbestigador sa kanilang pagti-teorya… kung anu nga talaga ang nangyari…bihira nga namang kakilala pa nila ang may ganitong kwento na halos karaniwan nang nakatambad sa mga tabloid araw-araw…

“ay!, binigti ng sintron…sa loob ng silid nya na di naman kataasan ang kisame sa sahig…umuulan…madaling-araw … nagkakahulan ang mga aso…at di ba’t balitang hina-hunting yan ng isang grupo ng mga siga dahil sa isang cellphone na ipanasasanla sa kanya’y sukat ipinang-inom ang pinagsanlaan?…kaya ganyan…malamang na malamang na iya’y talagang pinasok at pinatay…pinalabas lamang na suicide…” namanhid ako sa narinig…para lamang silang nagkukwento tungkol sa kinatay na baboy…at wari’y bumubulong ang isip ko…walang hustisya…buhay man o patay…ang hustisya’y naging mailap sa iyo…mailap sa maraming gaya mo…

kasabay ng malamig na dampi ng hanging gusto na ring mahimbing sa matamlay na magdamag….nakinig ako sa kwento  ng ate Mercy mo…binubuhay niya ang mga alaala mo…kayo ang pinaka malapit sa magkakapatid…at sa lahat ng handuon…alam kong siya ang may dala ng mabigat na pagdadalamhati ng pagluluksa sa pagkamatay mo…titig na titig ako sa kanya…at nang hindi na mapigilan ang pagsabog ng kirot sa dibdib niya’y nag-uunahang lumagaslas ang kanyang mga luha….kinabig ko siya ng marahan…tinanganan ko ang mga kamay niyang nanlalamig…mahigpit ko iyong tinanganan…hindi ko binitiwan hanggang sa maramdaman niyang mainit ang mahigpit kong pagkakahawak …alam niyang hindi ko siya bibitiwan…hanggang sa tuluyang pumayapa  ang kanyang kaalooban….

malapit nang mag-umaga ng makakuha ako ng lakas ng loob na silipin ka…matatakutin ako sa patay ngunit gusto kitang makita…sa huling pagkakatao’y gusto kitang kausapin…gusto kong magtanong…gusto kong mapakinggan mo…at oo…gusto kong magpaalam…

…ang totoo’y hindi na ako ginimbal ng pagpanaw mong ito…dahil hindi nga ba’t matagal ka nang nagpapatiwakal?…matagal ng patay…ang kaibahan nga lamang… ngayo’y nasa loob ka na ng kahong mumurahin na ililibing kasama ng iyong katawan….

kinapos ka ba sa init ng pagmamahal?…nabigo sa pag-ibig?…nauhaw sa pang-unawa ng kapwa?…bakit mo hinayaan?…matalino ka at alam kong batid mong ikaw ay naging paksang tampulan ng panlalait  …isang paksa na paulit-ulit na ginagahasa sa talumpati ng mga moralista…banal…mga pantas sa lipunan….isa kang kongkretong imahe na papaksain ng mga nais palutangin ang sariling kalinisan…sariling katapangan…sariling pagmamagaling…sariling kabanalan…ikaw ang nasa kabilang dulo ng timbangan…kalaban ang buong mundo ng kawastuhan…ikaw ang demonyo sa impyerno at lahat ng malayo sa wangis mo ay diyos sa langit na nilikha ng sariling kahambugan at pagmamatuwid…ikaw ang masama…at lahat na ng hindi ikaw ay mabuti….ikaw ang mali at lahat na ng hindi ikaw ay tama….ikaw ang problema…ikaw ang salot…ikaw…

Ah…hindi ako maghuhugas ng kamay…alam kong sa ilang pagkakatao’y kasali ako sa…tumimbang sa iyong halaga…kinapos sa pang-unawa sa iyong mga dahilan….nagmarunong…nagsiksik sa haligi ng sariling seguridad…nakalimot na ikaw ay tao lamang din…nakalimot na ikaw ay sintomas at hindi ang mismong sakit… nakalimot na ikaw ay katulad ko lamang din, isang hamak na manlalakbay sa buhay na hiram…

naririnig mo pa ba ako?…nagsasalita na akong kausap ang sarili…sana’y naririnig mo pa nga ako…katulad ng taimtim ko’t lihim na pakikinig sa iyo dati…tapos na ang iyong paglalakbay…hindi na tayo makakapaglarong muli…makakauwi ka na…napagod na ang araw…napagod ka na rin siguro…uwi ka na…pahinga ka na…at sa wakas…ay kumawala ang luha sa aking mga mata…umagos din sa mata ang pagtangis kong matagal nang nakulong sa dibdib…at parang kasintahang iniwan ng kanyang minamahal…inihatid kita sa iyong huling hantungan…taglay ang pait ng iyong paglisan…inihatid kita ngunit hindi ako nagpaalam…

at ngayon nga’y may lason ang hanging nagbabalik sa iyong alaala…

…ngunit hindi ka na aninong walang pangalan…hindi ka na alaalang itatago sa imbakan ng mga gunita…at kung may lason man ang hanging nagbabalik sa iyo  ngayo’y, hayaan mo na…hayaan mo nang lasunin nito at kitlan ng buhay ang kahungkagan ng pagalalakbay ng maramami sa aming mistulang mga ligaw na kaluluwa…

 …binuksan ko na ang pinto at  mga bintana…halika…tumuloy ka…ituring mong ganap ang aking pagtanggap ngayong inaawit ko ang  masuyo kong pamamaalam sa ‘yo…ngayo’y higit na naging makulay ang gunita ko ng ating kamusmusan…salamat sa pagdalaw mong ito…

11 Responses to “Lason”
  1. Nakakalungkot naman ang katotohanan at ang kapalarang sinapit ng main character. Kung iisipin natin meron talagang mga sinilang na kapos sa magandang kapalaran. Hindi nila ninais na maging mahirap, at meron ding panahon na sumubok silang makipag sapalaran, pero kahit ano ang gawin nila parang merong mga balakid. Isa si Gerardo sa mga iyon, pero ano ang magagawa natin - nakaka guilty mang isipin na di tayo lubusang nakatulong, pero bago daw tayo tumulong eh tulungan muna natin ang ating sarili.

    Sa maniwala kayo pati sa America ang daming pulubi at kadamihan sa kanila eh may mga diperensya sa kaisipan, nagulat ako ng makita ko sila, isang lugar sa Los Angeles at dun sila nagkalat, ang dami dami nila. Nakaka habag ang tanawin, ewan ko di ko din alam kung ano ang dapat kong isipin, natakot ako at napaluha at tuluyan din lumisan. Alam natin ang dapat gawain, pero di natin kayang simulan. Isang taimtim na dalangin - sapat na nga ba yun ?

    Ang ganda ng flow ng iyong storya, damang dama ang bawat mensahe, pakiramdam ko eh nasa loob na din ako ng kwento.

  2. mababaw ang luha ko mama. khit nga sa di ko mga kilalang tao sa TV pag nakikita ko silang kahabag habag ako’y lumuluha na at di ko mapigil. Sa kwentong ito, me kumurot sa puso ko. me mga bahaging sa tunay na buhay ay d nalalayo. Napakagaling ang iyong pagsasalaysay, makulay, sana maisulat ko ng ganito ang aking nakaraan at me kasama din akong tatawa at iiyak sa mga makukulay na tagpo ng buhay! isang tagay sa kwentong ito. CHON KAEW!

  3. KITANG KITA KITA KAPATID HABANG NAGLALAKAD KA PAUWI GALING TRABAHO……NAAMOY KO PATI PAWIS MO AT MANGANI NGANING ABUTAN KITA NG TUBIG UPANG MAPAWI ANG IYONG UHAW…SA GALING NG PAGKAKADETALYE MO SA MGA PANGYAYARI AY HALOS MASUKA DIN AKO SA AMOY ALAK NA HININGA NI GERARDO AT DINIG NA DINIG KO ANG KANYANG PAGTAGHOY……..AT SA ISANG SULOK NG AKING PANANAW AY NAUSAL KO PA NA SANA NATUTUNAN MONG MAHALIN SI GERARDO NANG MAY MALISYA NUNG KAYO AY MUSMOS PA…BAKA SAKALING HINDI NANGYARI ANG MALUNGKOT NA SINAPIT NG BUHAY NIYA….ANG ATING LIPUNAN AY SADYANG NAKAKAWINDANG HINDI NA NGA YATA TALAGA MALULUNASAN ANG KAHIRAPAN NGUNIT SA ISANG BANDA MINSAN TAO RIN ANG MAY GAWA NG KANYANG PAGDURUSA PERO NANINIWALA PA DIN NAMAN AKO NA MINSAN TALAGA DING HINDI MAKATARUNGAN ANG TADHANA…KASAMA MO AKO SA PAGDARASAL PARA KAY GERARDO NA NATAPOS NA ANG KWENTO SA MUNDONG ITO…AT PARA SA MARAMI PANG NAGLIPANANG GERARDO SA MUNDO…..BAWTISMO SA LIYAB NG APOY- TUNAY NA MATALAS , MAGALING ANG MGA SALITA NG MAY AKDA…NANUNUOT…KUMUKUROT…HANGGANG SA MULING PAGLIYAB NG APOY! IDOL!

  4. pinipigilan kong wag muna kumibo pero ayaw na paawat ng mga reaksyon ko sa mga reaksyon nyo…

    Chay, salamat at ikaw ay tumuloy sa loob ng kwento at hindi natakot…mahirap titigan ang “kahabag-habag na kapalaran ng mga isinilang na kapos sa magandang kapalaran.”…pero hindi ka basta umalis lang…..humaplos ng kapayapaan ang sinabi mong “bago tayo tumulong ay tulungan muna natin ang ating sarili” (coming from you buong tiwala kong kinakatigan iyan)…at isinipa mo din ang tanong na “isang taimtim na dalangin - sapat na ba yun?…matalas na punto! - hanga ako.

    Ann, may kumirot sa puso mo dahil may puso ka…marami ata kaseng pati puso nila ay matigas na at wala nang maramdaman…at uu…isulat mo ang iyong kwento…wag kang matakot…anduon ako, sasamahan kita sa pagtawa at pag-iyak (kahit sabay pa nating gawin…tumatawa habang umiiyak…ayan naloka na tayo…ahahhaha)….ok lang basta magkasama tayo…tuloy!

    Zen, ikaw ang nakakita na sana minahal ko si Gerardo ng may malisya…palitan ko ang “malisya” ng romantiko…uu nga…sana…habang handuon nga ako sa burol ay pakiramdam ko…ako ang naulilang kasintahan…pero gayun man…sapat na ang namagitang paghangan namin sa isa’t-isa…ang bumigkis naming karanasan sa makulay na kamusmusan….at sa paglaon…ang pareho naming pagtatanong kung bakit nakaka-uhaw ang maghanap ng totoong pang-unawa mula sa kapwa… ang inihandog mong pagdarasal para kay Gerardo at sa marami pang Gerardo sa mundo ay lubos kong ikinatuwa dahil alam kong ang dasal mo ay hindi lamang salita kundi kilos at gawa…at muli nakita mo ang kabuluhan ng “Bawtismo sa Liyab ng Apoy”….at di ka lamang basta nadarang…pinagliliyab mong lalo ang ningas…

    mga kaibigan… salamat…napakakipot na ng daang tinatawid ng aking panulat…may kasabihan nga di ba…na “kung ayaw mong masunog ay huwag kang maglaro ng apoy”… ngunit salamat…lumagpas na sa literary bounds ang inyong pagtawid…sinamahan ninyo akong lumukso sa nagliliyab na apoy…pagkatapos nito’y alam nating tayo’y magiging tulad ng mga ibong Phoenix na isinilang muli…mula sa abo ng katotohanan…at nabuhay ng ganap ang pagkilalla sa kanyang tunay na kahulugan at kapangyarihan….

    muli…taos sa aking puso….SALAMAT!

  5. napadaan ako sa blog mo, wlang malay na binasa yung recent post, cguro gusto ko lng bisitahin ang mundo ng tula kaya ako napunta d2. alam ko kaseng ikaw ang isa sa mga haligi nito. hindi ko alam kung san patungo yung binabasa ko. ang bawat salita pilit ko inuunawa. cguro base to sa tunay na nangyayare sa buhay ng sumulat. pwede. pero nung nadaanan ko yung DUWAG! at BASURA! akala ko alaala lng nang kung sino ang dumalaw s kanya. sanay nako. ilang beses na rin kmeng tumagay sa maboteng usapan para sa mga alaala ng mga ganyan. pagkatapos kakanta.. tatawa.. tapos na.. may tama na ng alak. hahaha! asan na nga ba ako? aahhh.. habang binabasa ko.. nagulat ako ng nahagip ng mga mata ko ang pangalang “idoy” kilala ko yun.. at oo tama ang kwento.. si idoy nga yon. walang labis wlang kulang. maraming beses din akong nkipagwentuhan sa kanya.. pero anong alam ko.. batang bata pako non. alam ko lang laseng na nmn sya at npakahaba ng mga litanya nya. pero hindi ako natatakot. harmless yun. haaayyy si idoy- idoy - idoy… bigla bumalik den sa alaala ko yung gabing nkipaglamay c abby. halos hindi nya maihakbang ang mga paa nya papasok ng bahay. hindi mkapaniwala sa sinapit ni idoy. andun ako sa tabi nya. narinig ko rin ang mga chismisan ng mga dalahira s tabi ksabay ng pagluha ni ate mercy. malungkot at masakit para sa mga taong alam ang istorya ni idoy. balewala s mga taong walang pakialam at nkiusyoso lng. sa paningin nila tae lng ang bida.. ang totoo mas tae pa cla ng ipagkait nila ang pang unawa nila.

    There are as many nights as days, and the one is just as long as the other in the year’s course.
    Even a happy life cannot be without a measure of darkness, and the word ‘happy’ would lose its meaning if it were not balanced by sadness.
    -Carl Jung

    isang quote para sayo abby, kay idoy at sa matatapang na pusong bumasa at babasa pa ng kwentong ito. tama. hindi “happy” kung wala ang pangalang idoy. sya at ang kwento nya ang “darkness o sadness” na bumalanse sa buhay mo at ng iba pa. marahil wlang hustisya dahil san rekwang kalungkutan na nasalo nya pero sa bandang huli ok na ren yun. nkaluklok na sya ngayon s kanan ng may gawa. at doon wala na syang lugi. wala man gin-bilog dun sigurado ako mas masarap ang alak dun. pati c buloy masaya na ren. higit sa lahat wlang kapantay na hustisya ng pagmamahal at pagkilala ang natamo nya ng isulat mo ang kwento nya.

    isa kang alamat carmen…

  6. Carmen, masyadong malalim ang kwento mong ito, punong puno nang aral, punong puno nang katotohanan. Ang katotohanay madalas ay masakit, at madalas rin ay iniiwasan, kaya napupunta sa pagkatalunan ang umiwas, gaya nang sinabi mo, duwag. pero, madalas din, sila ay biktima nang sirkumstansya, na kung na-agapan nang ma-aga malamang naging mabuti at naging malaking tulong din sila. subalit, likas sa sosyodad ang bilis nang paghusga, at ang siang mahinang kaluluwa minsan ay nahirapan nang umalsa sa sitwasyon. nakakalungkot isipin na marami din ang dumanas nang ganito, sila ba ay dapat hatulan or dapat tulungan? katulad nang sinabi mo, sila ay hindi sakit, kundi sintomas nang sakit sa ating mundo.

  7. Betchai, salamat sa iyong tanong: “sila ba ay dapat hatulan o dapat tulungan?…at sa pagkatig mo rin sa punto na…”sila ay hindi sakit kundi sintomas ng sakit sa ating mundo”… totoong mahirap harapin ang katotohanan subalit hindi rin gagaling ang sugat kapag hindi natin ito binuksan…ineksamen…at nilapatan ng gamot…wala akong grand solution…ang alam ko lang “we are our brothers’ keeper”…at anu mang ginagawa natin sa kapwa…ay ginagawa din natin sa ating sarili…salamat sa ‘yong pag-tuloy sa kwento at pagkasangkot sa usapin…alam kong hindi madali iyon…ang pagkibo mo ay masuyong haplos sa pangahas na kamalayan…salamat ng marami kaibigan…

    Tart, salamat sa inihandog mong quote para sa matatapang na pusong lumusong o lulusong pa sa kwento…salamat sa pagtestigo….salamat sa pagbasa na ito ay isang parangal para sa isang kababata…at mga tulad niyang hinusgahan at pinagkaitan ng pang-unawa…

    bumaon sa puso ko nang sabihin mong …”higit sa lahat, walang kapantay na hustisya ng pagmamahal at pagkilala ang natamo nya ng isulat mo ang kwento..”….pinatitibay mong lalo ang aking pananalig….kulang ang salitang ito…pero ito na ang pinaka-malapit…SALAMAT.

  8. babes! kumirot ang puso ko at bumilis ang pintig,dumaloy sa mata ko ang luhang walang kasing pait.bakit nga ba may mga tanong na tila yata walang sagot.may mga ala-alang may hapdi o sayang bumabalot..

    ramdam na ramdam ko ang bawat salita, pangungusap.naamoy kita, nakita ko ang paglisik ng iyong mata,ang walang kasagutang pagtatanong ng bakit, ang pag mutawi ng ngiti sa iyong labi sa pag-gunita ng kamusmusan,sinabayan kita sa pagluha habang hinahatid sa kanyang huling hantungan ang isang matamis at masakit na ala-ala ng ating limitasyon at kahinaan bilang tao.at higit sa lahat hinahangaan kita sa pagyapos at pagbibigay pangalan sa isang ala-alang gusto nating ibaon sa limot!!

  9. ms. eng…ilang linya sa aking tulang “Kasalubong” ang gusto kong ihandog sa ‘yo…

    “…at kung may estrangherong kasalubong
    na magtatangkang makisalo
    sa kung anumang meron sa ‘yo,
    minsan lang yon…
    nuon palang masasabi
    halika na -
    uwi na tayo.”

    salamat kaibigan…salamat sa ‘yo…

  10. Nabasa ko na ang blog na eto ng gabi bago tayo mag WWC. Noon, gaya ngayon, ako ay nakatitig sa kawalan… ang isip ay hindi maunahan, patuloy, patuloy kung saan saan pumaparon…

    Hinayaan ko munang matapos ang agos ng mga luha… Nung una ko itong mabasa, ito rin ang dahilan kaya’t di ako agad naka sulat ng comment. Ang bigat, matagal akong pinag isip… tungkol sa buhay.

    Gaya ng kwento dito, kababata ko rin si Doods, kaya nakarelate ako sa masayang bahagi ng kwento –kamusmusan… pagkakaibigan… paglalaro, mga panahon na di lang minsan na sumagi sa isip natin na sana may kapangyarihan tayo na balikan… kahit minsan… hay…

    Meron din kaming kaibigan ni Doods na maihahambing sa naisulat. Wari ko’y pinagtampuhan ng kapalaran. Napaka husay na tao, isa sa mga mababait at matalino naming kababata… ngunit sa di maipaliwanag na kadahilanan, nang magkita kaming muli matapos ang mahabang panahon… nag iba na sya. Tila pinagdamutan na ng lakas ng loob na lumaban sa hamon ng buhay at bumigay sa kahinaan. Nalungkot kami sa sitwasyon nya, gaya ng nararamdaman ko para sa mga tulad ni Gerardo…

    Mahirap maghusga, malamang ay talunan sila sa mata ng mundo… salot, ngunit sa isang dako… iba ang sukat na ginagamit ng langit sa paghusga. Nais ko pa ring isipin na silang mga biktima ng “indifferent society” ay mayroon pa rin hustisya na nakalaan… at may “langit” kung saan may kapayapaan…

    “ngunit hindi ka na aninong walang pangalan…” Hanga ako at nangahas kang buksan muli ang saradong yugto, ang malungkot na parte ng iyong alaala, sa ganitong paraan lamang natin tunay na mapapalaya ang mga nagtatagong anino sa ating buhay.

  11. …minsan ay inuuhaw tayo sa kahulugan ng buhay…at kung sa maganda lamang tayo titingin…lalo tayong mauuhaw…kailangan ding makita natin ang dilim upang mas tumingkad ang kinang ng mga bituwin… upang mas magdiwang tayo kapag nasisilayan ang liwanag…
    Tes…salamat sa iyong paglusong na ito…salamat kaibigan sa pagbubukas mo ng puso upang samahan kaming lahat dito na bigyang pangalan at mapalaya ang anino na nasa likod ng ating mulat na isipan…salamat sa ‘yo…

Leave a Reply