SALITA
kapag matalas ang salita
lumalatay
humihiwa
kapag sinsero ang kataga
umiiyak ang puso
lumiliwanag ang diwa
kapag salita’y tumutudla ng katotohanan
sibat itong tatarak
sa sentro ng kabuktutan
kapag salita’y umaawit ng malayang kaisipan
haplos itong masuyo
sa pangahas na kamalayan
kapag salita’y matalas
sinsero
totoo
malaya
punglo ito’ng uutas sa takot
kaya’t kung katahimika’y mapanlinlang
…taksil sa katwiran
…salat sa kabuluhan
…punla ng kasinungalingan
Kumibo ka
mag-ingay
kalabitin mo ang gatilyo
iputok mo ang punglo…
Ngayon!
(29 May 2006 nang isulat ko ang tula…mga panahon ng pangangapa sa dilim…pagsagot sa sariling mga tanong…pagbasag sa katahimikan na naglilibing sa malalim na balon ng takot at pagkaduwag…ang tulang ito ay hudyat ng pagpihit ko palayo mula sa itinatak na mga depinisyon…patungo sa landas na “walang paumanhin” …hindi ako perpekto at madami pa akong kasablayang gagawin…hindi ko tinitiyak na lagi akong magwawagi…ngunit siguradong…palagi kong pangangahasang “kalabitin ang gatilyo, iputok ang punglo”…kung ito’y upang paslangin ang sarili kong multo…)
Nga pala…unang hirit ang post na ito sa kategoryang “Bawtismo sa Liyab ng Apoy”…kalipunan ng mga akda kong naglalayong magpakita ng buhay sa mas matarik na “gilid ng bangin”…Korni na noh?…sama ka pa ba?…
…sana naman…

Entries (RSS)
“Bawtismo sa Liyab ng Apoy”….sa tunay na nagmamahal sa panitikan at bayan….wala pong korni….’pagkat lahat tayo ay malaya…sasama pa rin po ako….’pagkat nais kong makilala ang Baby Amoroso sa lahat ng pinagdaanan niyang pakikibaka….nais kong matuto…nais kong makinig sa bawat hagupit ng salita….ihampas man ako nito papalapit sa indayog at saliw ng makulimlim na nakaraan….handa na po ako….papabinyag na rin po ako….(kelangan po bang kainin yung apoy? hehehehehe)
ay siyang tunay kaibigan.!!ang salita kung naghahayag ng katotohanan ay mistulang apoy na lilingkis sa ating pagkatao..madarama mo ang init, mararanasan mo ang sakit,parang sipa ng kabayong naghuhumalpas sa pagkakagapos..bumabarog sa ating kamalayan!!
sige kaibigan sabay nating kalabitin ang gatilyo at iputok ang nakatutok na punglo sa diwa ng malayang kaisipan,tahakin ang landas na mangilan-ngilan lamang ang nangahas tumahak pagkat yaon lamang ang makapagbibigay ng malalim na kahulugan ng tinatawag nating buhay!!
wow naman Carmen, ang galing, bulls-eye lahat nang sinabi mo, pano maging korni? samo ako, pwde ba?
salita… bawat kataga makahulugan…at sa “SALITA” sa “bawtismo ng nagliliyab na apoy” marubdob ang damdaming nkapaloob. Two thumbs UP. (kung apat pa ang thumbs ko o sampu itataas ko tlga lahat.) Sama ako sa bawtismohan…panu ba ang seremonyas? hehehehehe me ksama bang elbow exercise manay?
Sang ayon ako Carmen ang matalas na salita ay lumalatay at nakakahiwa. Mas nag aagree ako sa derechong pagsasalita kesa sa mga paligoy ligoy at di matumbok ang puntos. Pero sa totoo, nasasabi ko pero di ko kayang magsalita ng derecho, matatakutin kasi akong makasakit ng kalooban. Duwag pala eh ! Galing ng choices mo ng mga salita Carmen - parang latigo kabilis ang dating ng mensahe, ! Galing - hanga ako !
…kapag nag word-count sa blogsite ko…isang salita lang ang gusto kong makita na binanggit ko ng paulit-ulit…nang walang sawa…nang may taglay na ngiti at paghanga sa kapwa manlilikha na di natatakot magbahagi ng kanilang pananaw sa usapin … maging duon na rin sa mga ayaw na lamang kumibo na napadpad dito sa aking sulok…sa inyong lahat…taos sa aking puso…SALAMAT.
Sapagkat buhay at mabisa ang SALITA! Higit na matalas ito kaysa sa alin mang tabak na may dalawang talim. Bumabaon ito hanggang sa ikapaghihiwalay ng kaluluwa at ng espiritu at ng kasu-kasuan at utak ng buto. Nakakatalos ito ng mga pag-iisip at mga saloobin ng puso.
“…kung ito’y upang paslangin ang sarili kong multo.” Tunay at makabuluhan. Sana gaya mo Baby, hinidi ako magdalawang isip na mangahas na “kalabitin ang gatilyo, iputok ang punglo” Kapalit nito ay laya… laya sa pagkaka gapos … laya upang lumago at lalong mapag yaman ang buhay!
Salamat, salamat Baby, sa napaka matalinhagang tula na ito! Punong puno ng katotohanan.
ang pagdadalwang-isip ay bahagi ng proseso ng pagpapasya…at kapag handa ka na…tumuloy ka lang…hindi dapat magwagi ang pangamba…lalo’t batid mong ika’y maraming kasama…
salamat Tessa… sa iyong pagpapatingkad ng kabuluhan ng “Salita”…